LA Clippers, title favorites ngayon matapos malambat sina Kawhi, George

Pinapaboran na ngayon sa ilang mga pustahan sa Las Vegas ang Los Angeles Clippers bilang bagong paborito na magwagi ng NBA title sa susunod na season.

Ito’y matapos na mabingwit ng Clippers si superstar Kawhi Leonard mula sa NBA champion na Toronto Raptors, at ang paglipat din sa team ni Paul George mula sa Oklahoma City Thunder.

Inilista ng Caesars Sportsbook ang Clippers sa 11-4 mula sa 10-1 favorites na makabulsa sa 2019-20 NBA title.

Nahigitan ngayon ng Clippers ang karibal nilang Los Angeles Lakers, na unang kinampihan sa mga pustahan dahil sa pagkakakuha ng team kay Anthony Davis na inaasahang itatambal kay LeBron James.

Sa pagdating ni Leonard sa Clippers, laglag sa 4-1 mula sa 7-5 sa Caesars Sportsbook ang Lakers.

Gayunman, nananatiling pabirito sa 3-1 ang Lakers sa bookmaker na William Hill U.S., at 7-2 naman ang Clippers.

Sa Westgate Las Vegas Superbook, 3-1 favorite ang Clippers at pinahaba pa sa 6-1 ang odds ng Lakers, na nasa likod ng Bucks sa 4-1.

Matapos namang mawala sa kanila si Leonard, laglag mula 6-1 ang Toronto Raptors sa Westgate sa 80-1.

Bumulusok din sa 100-1 ang odds ng Thunder makaraang lumisan sa kanila si George.

This entry was posted in Basketball News & Updates, News, News Philippines and tagged , , . Bookmark the permalink.